Monday, March 30, 2009

KUNG MAKAKASUSWELDO

Alas kwatro na ng umaga

Tumunog ang alarm clock ni Gina

Bumangon, naghilamos at nagsuklay

Lumabas ng bahay, bumili ng tinapay

Pabalik sa bahay, nasalubong si Aleng Belay

‘O, ang aga mo Gina ah. Trabaho?’

‘Oho, kailangang maaga, yung lugar eh malayo ho.’

‘Ah, o sige. Ikaw nawa’y makasweldo.’

‘Sana nga ho. Pagdasal niyo ho.’

‘Ay, walang prublema hija.’

‘Salamat po Lola Bella.’


Bumalik sa bahay si Gina

Kape, tinapay at mantikilya

Ang agahan niya

Pagkatapos kumain ay naligo

Nagbihis, t-shirt, maong, sapatos

Bago umalis ay ginising ang asawa

Nagpaalam na magtatrabaho na siya

‘Manood kayo mamaya ha.’

Bilin ni Gina


Nagsimula na sa byahe ang bida natin

Traysikel, jeep, bus at tren

Nakarating si Gina sa pagtatrabahuhan niya

Sa harap ng isang gusaling may makikintab na bintana

At napansin niya ang mga kotseng nakapark

na talaga namang sa gara ay nakakababa

‘Pag nakasweldo ako mamaya,

Bibili rin ako ng mga ‘yan para sa pamilya.’

Inisip ni Gina


Lumapit siya sa guwardiya

At pinakita ang I.D. niya

Pinapasok siya at nakita niya

Ang ganda ng pagtatrabahuhan niya

‘Pag nakasweldo ako mamaya,

Mas maganda pa rito ang bahay na ipapagawa ‘ko para sa pamilya.’

Naisip ulit ni Gina


Hinanap niya ang lugar kung saan sila magkikita-kita

Ng mga katrabaho niya

Na siguro sa mga sandaling ito

Ay nangangarap na rin nang todo

Pangarap na pwede namang magkatotoo

Kung sila ay susweldo


Nakita na ni Gina

Ang kwartong pagtatrabahuhan niya

Maraming taong nagsisigawan,

Nagpapalakpakan, nagtatawanan

Nakilala na rin niya

Ang mga magiging katrabaho niya

At kaagaw rin sa magiging sweldo niya


Kinausap muna sila bago isalang sa trabaho

Pinaliwanag ang dapat at hindi dapat ‘pag nasa entablado

May kontrata rin munang pinirmahan

Para may ebidensiya ang kasunduan


Ayan na, ang ilaw na nakakasilaw

Ang mga taong nangangantyaw

Pero ang nasa isip ni Gina

‘Nanonood na kaya sila?’

At tinawag ang pangalan niya

Pagkatapos ang pangalan ng katrabaho niya na magiging kalaban niya

sa suswelduhin niya

Sumayaw yung kalaban niya at kumanta naman siya

Pagkatapos ay idinugtong ito:


‘Hello sa asawa ko, si Toto.

Saka sa mga anak ko, si Bing-bing at Junior.

At saka kay Lola Bella rin nga pala!

Naku Lola, pagdasal niyo pong manalo ako!’


(365 words)

No comments:

Post a Comment