kung ako ang presidente ng Pilipinas, ano? hindi ko talaga alam kung paano ko dudugtungan ang pariralang 'yan. (aw hanep! parirala!) una kasi, aminado ako, hindi ako yung tipong maraming alam sa kung paano pinapatakbo ang gobyerno. naalala ko kasi, yung SS namin dati, hindi 'maganda' ang 'dating' sa akin. kalimitan, inaantok ako pag nagkaklase na. mukang nagsusulputan na yung epekto ng kawalan ko ng interes sa gobyerno.
uunahin ko muna kung ano ang tingin ko sa mga naging presidente at pati na rin sa kasalukuyang presidente ng Pilipinas.
1. walang presidenteng walang kalaban. lahat meron nangongontra (o taga-kontra?).
2. hindi naiiwasang mapatsismis. lahat may isyu na 'nangungurakot'. kumbaga, walang malinis.
3. lahat sila, kung hindi patay, matatanda na. (haha!)
ayoko naman masabing mga muka silang pera, kasi, aba, malay ko ba kung muka talaga silang pera. para siguro mas maganadang pakinggan, na-pe-pressure lang silang mag-mukang pera. kumbaga sa teenager, peer pressure.
anyway, ngayong nailagay ko na ang mga general impressions ko sa mga naging presidsente at sa kasalukuyang presidente ng Pilipinas, sisimulan ko na kung anong gagawin ko o ano kaya kung ako ang presidente ng bansang Pilipinas.
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS (sa edad ko ngayong 17), panigurado, malaki na ang eyebags ko. bakit? sa kaiisip kung ano ang gagawin ko sa bansa, kung paano ko aayusin ang lahat-lahat ng mga problema, kung ano ang pinakamabuting gawin ko, kung ano ang dapat kong approach sa masa.
KUNG ANO ANG GAGAWIN KO SA BANSA. dumudugo na nga ang ilong ko tuwing klase sa socio10 dahil sa mga nilalatag na mga ideya ng mga kaklase ko, ang humawak pa kaya ng bansa? ayayay, ubos ang dugo ko. paano ko hahatiin ang budget ng bansa? hindi naman pwedeng pantay-pantay. sa lagay kong 'to, wala akong malay sa totoong pangangailangan ng mga tao.
KUNG PAANO KO AAYUSIN ANG LAHAT-LAHAT NG MGA PROBLEMA. okay, mali 'to. lahat-lahat ng problema? kaya ko ba yun?
KUNG ANO ANG PINAKAMABUTING GAWIN KO. meron pa bang 'pinakamabuti' na gawin sa mga panahon ngayon? ano bang ibig sabihin ng 'pinakamabuti'? pinakamabuti kanino? sa tao? sinong mga tao?
KUNG ANO ANG DAPAT KONG 'ITSURA' SA MASA. ano ba ko? palaban? tipong tigasing presidente? mala-amazona na walang sinasanto? na kapag nagsalita ako, tumatalima at natataranta ang mga tao na sumunod? ako ba dapat yung malapit sa mga dukha? yung pupunta sa mga iskwater para magbigay ng mga supot na may bigas, sardinas at noodles with matching shake-hands pa? ako ba dapat yung nagpapacute na presidente pinagkakaguluhan ng masa, yung idadaan sa charisma, kinis ng muka, bango at yaman ang pagiging pinuno ng bansa? o ako dapat yung genius na presidente na sa IQ pa lang 'wala' na ang problema ng bansa?
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, edi ako ang presidente ng Pilipinas! hindi ako magpapakatalino para lang patakbuhin ang bansa. gagawin ko kung ano, sa aking paniniwala, ang sa tingin ko ang makakabuti sa bansa. kahit naman magpakabait pa ko, yung talagang mabait ha, lalabas at lalabas pa rin na masama ako eh.
may kokontra sa'kin, may kakampi sa'kin. may magrarally, may susuporta.
kahit saan naman ako pumanig, sa 'masama' man o sa 'mabuti', wala rin namang magagawang malaking bagay 'yon dahil kahit kailan, hindi ko magagawang 'pasayahin' ang lahat ng tao. may mawawalan, may magkakaroon, may madadagdagan!
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, hinding-hindi ako dedepende sa kung kanino mang tao. lagi lang akong magdadasal at magbabasa ng Bibliya. wala akong pakialam sa sasabihin ng taong bayan. alam ko ang ginagawa ko.
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, magbigay ng Bibliya sa bawat tao sa bansa. ipapakilala ko sa kanila ang paniniwala ko. tutal ako naman ang presidente ng Pilipinas, hindi sila makakaangal. ang gagawin ko siguro, bibigyan ko ang sarili ko ng kapangyarihan na hindi ako matanggal sa kahit anong paraan o panahon pwera na lang kung ako mismo ang umayaw at kapangyarihan na tanggalin ang kung sinumang naisin kong tanggalin. bukod pa doon, wala na kong ibang babaguhin.
bakit?
una, kasi aminado akong kulang ang kaalaman ko sa mga bagay-bagay pagdating sa pulitika. kung babaguhin ko yung mga yon, baka lalo lang lumala ang sitwasyon ng bansa. ayokong magmarunong sa bagay na hindi naman ako marunong.
ikalawa, at ang pinaka-ugat na rason ko ay, naniniwala akong walang magagawa ang kahit anong pagbabago ng sistema o mga batas kung yung mga tao mismo hindi nagbabago. iba na nga yung gobyerno. iba na yung konstitusyon. pero yung mga tao naman? ano na?
kilos nang kilos ang tao, bago nang bago ng mga para sa kanila ay hindi tama, hanap nang hanap ng mga solusyon na pinaniniwalaan nilang makakalutas, paganda nang paganda ng mga bagay na para sa kanila ay hindi maganda o may ikagaganda pa. sabihin na nating nabago nila, nahanap nila at napaganda nila. pero sila lang ulit naman yung magpapatakbo tapos makakakita nanaman sila ng mali. ayan nanaman. hihingi ng pagbabago, maghahanap ng solusyon, magpapaganda ng hindi maganda o ng may ikagaganda pa. nakakasawa na eh.
yan. kaya ayokong magbago ng kahit anong bagay. tao yung gusto kong baguhin. dahil aminin natin, tayo naman talaga ang may prublema. nagsisisihan tayo, hindi na lang natin tanggapin na meron din tayong mali.
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, hindi ako magpapa-'hulma' sa kung anong gustong makita sa akin ng taong pinangungunahan ko. alam ko naman kasi na kahit kelan hindi ako magugustuhan ng lahat ng taong pangungunahan ko.
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, pag-aaralin ko ng Bibliya ang mga opisyal. wala akong paki sa kung anong sabihin nila. i-re-require ko sa kanila na magsumite ng journal entry tuwing Linggo tungkol sa nabasa nila sa Bibliya. tatadtaran ko sila ng mga aral galing sa Bibliya. para maturuan sila ng tama. ako ang presidente, hindi sila makakaangal kung hindi, aalisin ko sila sa pwesto nila.
ako ang presidente. wala akong paki kung maliitin nila ang mga pinapagawa ko sa kanila. basta ako, alam ko kung ano ang ginagawa ko. susubukan ko talagang baguhin, kung hindi man lahat, ay mayorya ng mga opisyal sa gobyerno. paninindigan ko ang paniniwala kong walang magagawa ang kahit anong pagbabago sa mga bagay kung yung mga tao mismong nagpapatakbo ay hindi nagbabago.
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, ipapakita ko sa mga tao na hindi sa talino naidadaan ang pamumuno. dahil kahit kelan, hindi maaasahan ang talino. darating at darating ang oras na magkakaroon ng problema sa mga gawa ng tao.
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, ipapahayag ko sa bansa ang paniniwala ko sa Diyos. hahayaan ko na silang humusga sa mga sasabihin ko sa kanila.
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, itatanong ko sa buong bansa ang tanong na 'to: "Nabubuhay kayo ngayon. Pag namatay kayo, alam niyo ba kung ano nang mangayayari sa inyo?"
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, itatanong ko sa mga opisyal 'to: "Nagpapayaman kayo ngayon. Pag namatay na kayo, madadala niyo ba yang kayamanan niyo?"
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, siguro, andami ko ng puting buhok ngayon. pati wrinkles at pimples. bakit kaya hindi haggard tignan ang mga presidente gayong pinuprublema nila ang prublema ng bansa nila?
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, bibili ako ng bullet proof na damit, bahay at sasakyan. para sakaling may gustong bumaril sa akin, walang tama.
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, mag-aaral ako ng slfe-defense para kung sakali mang hindi baril ang gamitin sakin, wala pa ring lusot.
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, sisiguraduhin ko na nasa panig ko ang nagtuturo sa akin ng self-defense dahil baka siya pala ang umatake sa akin.
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, papraktisin ko ang ngiti ko sa harapan ng salamin para naman magandang tignan ito, hindi mukang plastik. hindi kasi ako marunong ngumiti.
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, gagawin kong Filipino ang medium of instruction sa pagtuturo.
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, bubuhayin kong muli ang alibata.
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, lilimitahan ko sa dalawang report lang sa isang buwan ang report ng mga estudyante.
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, hindi ako magpapaputi at hindi ako magpapapayat ng sobra. hindi rin ako gagamit ng 7-day age miracle cream.
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, ipapaayos ko ang STFAP at magkokomento ako sa mga bagong gawang sidewalk na 'mas gusto ko yung dati. maayos pa naman yun lakaran ah, bakit pinalitan agad ng bago?'
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, tatanggalin ko yung SONA. aanhin ko pa yan? papaasahin ko lang naman ang mga taong bayan sa mga SONA ko. magsasalita ako tapos hindi naman nila makikita ang produkto ng mga salita ko. hindi sa dahil hindi ako kikilos, kundi dahil, hindi ko naman masasabi kung matutupad ko talaga yung magagawa kong mga 'yon. hindi naman ako Diyos na ang lahat ng sinabi eh matutupad. aba, gagawa na lang ako nang gagawa. hahayaan kong makita na lang nila yung mga nagagawa ko. at least diba, may surprise effect pa.
"Uy! may kuryente na pala dito?"
"Uy! andaming bagong libro!"
"Uy! may bahay na pala ako!"
"Uy! taas na ng sweldo ko ah!"
"Uy!" "Uy!" "Uy!"
-ang gusto ko lang talagang iparating dito ay:ang mga tao munang nasa posisyon ang baguhin at bigyang pansin bago ang mga gagawin at gagampanan nila.
****(eto ang ilan sa mga balak ko dati pag naging presidente ako ng Pilipinas)****
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, pagbabawalan ko ang lahat ng mga plastic at styro dahil nakakasira ito sa kalikasan.
KUNG AKO ANG PRESIDENTE NG PILIPINAS, babaguhin ko ang age requirement sa pagiging opisyal sa gobyerno. bababaan ko ang taon. ayoko ng matatanda ang nasa gobyerno. ang nasa isip ko kasi dati, pag matanda, mas mukang pera. ewan ko kung tama ako.
(1,611 words)
>>simula dito ay hindi na kasama sa word count. NOTE: Sir, salamat po sa pagtitiyaga niyo sa journal entry kong ito. pagpasensyahan niyo na po, pero ito po talaga ang gusto kong mangyari eh. hehe. KIARRA VALLIDO FOR PRESIDENT!!!
Sunday, February 8, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment